
Masusing sinuri ni Mayor Lucilo R. Bayron ngayong Lunes, Enero 12, 2026, ang planong iprinisenta sa kanya ng City Architect kaugnay ng isasagawang expansion sa Puerto Princesa City Baywalk para sa pagpapalakas ng Night-time Economy.
Nakibahagi rin sa pagpupulong ang City Planning Office at City Engineering Office upang matiyak ang maayos na koordinasyon at integrasyon ng mga technical at urban development considerations.
Ang Night-time Economy o NTE ay bahagi ng inisyatiba ni Mayor Bayron upang lalo pang mapaunlad ang lokal na ekonomiya, mapalawak ang mga oportunidad sa kabuhayan at payabungin pa ang turismo.
Kabilang sa mga pangunahing tampok ng plano ang pagbibigay ng malinaw na perspektiba at disenyo ng lugar, paglikha ng walkable areas na ligtas at komportable para sa publiko, maayos na alokasyon ng parking spaces upang mapahusay ang daloy ng tao at sasakyan tuwing gabi, gayundin ang pagkakaroon ng sapat at accessible na palikuran sa bawat pwesto.
Ayon kay Mayor Bayron, mahalagang mapag-aralang mabuti ang bawat detalye ng planong expansion upang masiguro ang mas maayos, kaaya-aya, at ligtas na night-time activities para sa mga residente, negosyante, at mga bisita ng lungsod.
Kapag naging pinal na ang mga plano, ipinag-utos din ng alkalde na magsagawa ng isang Stakeholders’ Meeting kasama ang private sector upang maiprisenta ang plano at makalap ang kanilang mga puna at mungkahi, bilang bahagi ng pagsusulong ng participatory governance.
