
Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng seguridad at pagpapanatili ng kapayapaan sa lungsod, pormal na ia-activate ang Police Station 6 sa Barangay Napsan, Puerto Princesa City sa Enero 21, 2026, ganap na alas-diyes ng umaga.
Ayon kay Mayor Lucilo R. Bayron, ang pagtatatag ng bagong police station sa kanlurang bahagi ng lungsod ay isang mahalagang hakbang upang mas mapalakas ang presensya ng kapulisan at mas mapabilis ang pagtugon sa mga insidente, lalo na sa mga barangay na malalayo sa sentro ng lungsod.
“Mahalaga ang ginagampanang papel ng ating kapulisan sa minimithi nating lahat. Ang gusto natin ay magkaroon ng kaunlaran sa bawat komunidad. Kaya itinayo ang mga police station,” pahayag ng alkalde.
Ang Police Station 6 ay magsisilbi sa mga barangay ng Montible, Napsan, Bagong Bayan, at Simpocan, na dati ay sakop ng Police Station 3. Sa pamamagitan ng bagong himpilan, inaasahang mapapalakas ang crime prevention efforts, mapabibilis ang police response time, at mas mapagtitibay ang kaayusan sa kanlurang bahagi ng lungsod.
“Dahil sa stratehiyang ito, nailapit natin ang serbisyo ng ating kapulisan upang mapanatili ang katahimikan sa mga malalayong barangay. Kasabay nito, nadagdagan ang bilang ng ating mga pulis. Sa buong Pilipinas, isa ang Puerto Princesa sa may pinakamataas na population-to-police ratio. Ayon sa City Planning, nasa 1:435 ang ratio natin, samantalang sa ibang lugar ay umaabot sa 1:1,000,” ani Mayor Bayron.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng presensya ng kapulisan sa malalawak at malalayong bahagi ng Puerto Princesa, na kinikilala bilang ikalawang pinakamalaking lungsod sa bansa. Dagdag pa niya, patuloy ang suporta ng Pamahalaang Panlungsod sa Philippine National Police bilang pangunahing katuwang sa pagpapatupad ng mga programang pangseguridad at pangangalaga sa kaligtasan ng publiko.
“Tandaan natin lagi, ang katahimikan ay prerequisite sa kaunlarang minimithi natin para sa lungsod ng Puerto Princesa,” pahayag ni Mayor Bayron.
Ang pormal na activation ng Police Station 6 ay sumasalamin sa pangmatagalang direksyon ng lungsod na palakasin ang seguridad hanggang sa mga liblib na barangay, upang matiyak ang isang ligtas, maayos, at mapayapang Puerto Princesa para sa lahat.
