MAS MALAWAK NA SERBISYONG MEDIKAL, HATID NG BAGONG CITY HEALTH MEDICAL COMPLEX

Pinasinayaan na ang Puerto Princesa City Health Medical Complex nitong Disyembre 1, 2025, isang makabagong pasilidad na idinisenyo upang maghatid ng mas mabilis, mas kumpleto, at mas abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan ng lungsod.

Itinayo sa kabuuang lot area na 7,031.50 sqm at floor area na 10,084 sqm, ang four-storey complex ay may mas malalaking consultation zones, integrated diagnostic areas, mas matibay na structural foundation, modernong mechanical at electrical systems, at mas maaliwalas na pasilidad para sa lahat. Idinisenyo ito hindi lamang para magpagamot, kundi para mag-alalay at kumalinga—isang malaking pag-angat mula sa lumang pasilidad.

Isa sa pinakamahalagang serbisyong ngayon lang magkakaroon ay ang 24/7 Birthing Facility na may sariling delivery rooms, human milk bank, at maternal care services. Kasama rin sa mga serbisyong unang beses ilalapit sa publiko ang pagkakaroon ng dialysis machines, X-ray at expanded laboratory services, ultrasound at ECG rooms, physical therapy area, AI-assisted diagnostics at proposed CT scan, mas malawak na dental services, Social Hygiene Clinic at Primary Care Planning Unit, at vaccine storage facility para sa routine immunization.

Ang mga serbisyong ito ay konkretong hakbang upang higit pang mapabuti at mapalawak ang serbisyong pangkalusugan sa lungsod. Hindi lamang gusali ang ipinagpatayo—pinalakas ang kapasidad, tinaas ang kalidad, at binuksan ang mas maraming oportunidad upang mas maagang matugunan ang pangangailangan ng bawat pasyente.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Lucilo R. Bayron ang kahalagahan ng pasilidad para sa kinabukasan ng lungsod,

“Hindi lang ito para sa 2025. Ito ay para sa susunod pang sampung taon ng pangangailangan ng ating mga kababayan. Health is wealth, at prevention is better than cure. Kapag maaga nating natutukoy ang sakit, mas kaunti ang mao-ospital at mas ligtas ang ating komunidad.”

Aniya, ang bagong Medical Complex ang magiging main primary care facility, habang ang pinalakas na satellite clinics ay magsisilbing primary care facilities upang matukoy ang sakit bago pa lumala, at upang mabawasan ang bilang ng pasyenteng kinakailangang ma-admit sa ospital.

Ang pagbubukas ng City Health Medical Complex ay simbolo ng bagong yugto ng health service delivery sa Puerto Princesa—isang serbisyong mas makabago, mas mabilis, mas ligtas, at tunay na nakasentro sa mamamayan. Ang Medical Complex ay magiging fully operational sa Pebrero 2026.

City Health Medical Complex

📍 F. Rafols Road, Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City, Palawan

Similar Posts