KARAGDANG PINANSYAL NA AYUDA AT MAAYOS NA PAGPUWESTUHAN NG MGA NASUNUGAN, IPINAG-UTOS NI MAYOR LUCILO R. BAYRON

Personal na humarap si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron sa mga negosyanteng naapektuhan ng sunog sa Old Public Market upang pakinggan ang kanilang mga pangangailangan at maglatag ng malinaw na mga susunod na hakbang para sa kanilang pagbangon.

Kasama ang ilang department heads ng lungsod, nakipag-usap si Mayor Bayron sa mga vendor sa Barangay Hall ng Tagumpay ngayong Enero 31, 2026. Sa pagkakataong ito, malaya nilang naibahagi ang kanilang mga saloobin, mga tanong, at mga pangamba, lalo na kung saan sila pansamantalang lilipat at paano sila muling makakapagsimula.

Ayon sa alkalde, mahalaga para sa kanya na marinig mismo ang boses ng mga apektado upang matiyak na ang mga programang ipinatutupad ng lungsod ay tumutugon sa tunay nilang pangangailangan. Ang naunang ipinagkaloob na pinansyal na ayuda kahapon, Enero 30, 2026, ay nagsilbing unang hakbang sa kanilang pagbangon, na ayon sa mga negosyante ay malaking ginhawa sa gitna ng kanilang sitwasyon. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga vendor na magtanong at magpahayag ng pasasalamat sa mabilis na pagtugon ng pamahalaan.

Nilinaw rin sa dayalogo kung saan pansamantalang ilalagay ang mga naapektuhang vendor sa loob at paligid pa rin ng Old Public Market.

Ayon kay Market Manager Engr. Irene Lagrada, ang mga nagtitinda ng prutas at gulay, grains, at groceries ay ilalagay sa open space area na matatagpuan sa Old Market complex. Ang mga nagbebenta naman ng handicrafts, general merchandise, at dry goods ay ilalagay sa second floor ng Old Market, habang ang mga repair shop ay ililipat sa Building 5 na nasa Old Public Market din. Sa kasalukuyan ay isinasagawa na ang pagsukat ng mga pwesto at matapos nito ay maaari nang magsimulang mag-ayos ng kani-kanilang tindahan ang mga vendor.

Bilang dagdag na suporta, inanunsyo ni Mayor Bayron ang panibagong tulong mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (Cdrrmo) at City Social Welfare and Development Office (CSWDO). Tiniyak ng alkalde na magiging simple, malinaw, at lehitimo ang proseso ng pag-claim, at inatasan ang CSWD na maipamahagi ang karagdagang pinansyal na tulong sa Miyerkules.

Kasabay nito, ipinag-utos din ni Mayor Bayron ang fast tracking ng mga dokumento at papeles upang mapabilis ang pagproseso, alinsunod pa rin sa umiiral na mga patakaran at regulasyon. Layunin nitong mabawasan ang abala sa mga vendor at mas mapabilis ang pagtanggap nila ng tulong.

Sa pagtatapos ng kanyang pakikipag-usap sa mga negosyante, muling tiniyak ni Mayor Lucilo R. Bayron na tuloy-tuloy at maagap ang tulong ng pamahalaang panlungsod. Para sa kanya, hindi sapat ang simpleng pag-abot ng ayuda. Mas mahalaga na maramdaman ng mga mamamayan na may pamahalaang handang makinig, umunawa, at kumilos kasama nila sa oras ng pangangailangan.

Similar Posts