
JOB ORDER AND CONTRACT OF SERVICE EMPLOYEES NG CITY GOVERNMENT OF PUERTO PRINCESA, TATAAS ANG SAHOD SA TAONG 2026
Simula sa taong 2026, magkakaroon ng mas mataas na sahod ang lahat ng Job Order (JO) at Contract of Service (COS) Employees ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa.
Mula sa dating pinakamababang arawang sahod na ₱369, ito ay itataas na sa ₱639 kada araw. Samantala, ang pinakamataas na rate naman ay aakyat na sa ₱1,828/day tulad ng taga-Nursing, na mula sa ₱1,300.
Ayon kay City Budget Officer Regina Cantillo, ang mga bagong rate na ito ay batay na sa 2025 Government Salary Tranche at nakahanay sa umiiral na bagong Joint Memorandum Circular ng COA-DBM. Sa 2025 Tranche, ang Salary Grade 1 sa Philippine government ay katumbas ng ₱14,061.
Ibig sabihin, ang mga Job Order positions na naka-SG 1 ay dapat tumutugma sa rate ng regular positions na pang-Salary Grade 1 din ang sahod.
Halimbawa, ang regular na posisyong Admin Aide I ay naka-SG 1. Kaya kung may JO na hinire bilang Admin Aide I, SG 1 rin ang magiging basehan ng kanyang buwanang sahod.
Noong May 2025, nagkaroon na ng pagpupulong ang Office of the City Budget at Office of the City Mayor para itaas ang sweldo ng mga Job Order employees ng lungsod.
Noong August 2025 naman ay sumunod ang pagpasa ng Sangguniang Panlungsod ng isang resolution na humihiling sa Punong Lungsod na itaas ang sweldo ng mga job order employees.
Dahil binibigyan ng importansya ng Punong Lungsod ang pagkakaroon ng maayos na sahod kapalit ng tapat at mahusay na serbisyo ng mga kawani ng Lungsod ng Puerto Princesa, minarapat ni Mayor Lucilo Bayron na mapag-aralan at maisagawa kaagad ang dagdag-sahod na ito.
Para kay Mayor Bayron, ang mga job order employees ng City Government ay may malaking kontribusyon sa bawat tagumpay na nakamit ng Puerto Princesa.
Inaasahan na ang bagong rate na ito ay magiging effective simula sa taong 2026.
Tuloy-tuloy lang ang pagseserbisyo para sa isang maunlad at progresibong Puerto Princesa. Hindi bukas, kundi ngayon.
