
Pinuri at hayagang hinikayat na pamarisan ng iba pang local government units (LGU) ang mga programang pang-agrikultura ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa matapos ang pagbisita ng Department of Agriculture na pinangunahan ni Undersecretary for High Value Crops Cheryl Marie Natividad-Caballero sa Gintong Butil Agri Farm nitong Biyernes, January 9, 2026.
Ayon kay Undersecretary Natividad-Caballero, kitang-kita ang matibay na suporta at malinaw na direksyon ng pamahalaang lungsod sa sektor ng agrikultura sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron. Aniya, ang mga inisyatibo ng Puerto Princesa, partikular ang Gintong Butil Agri Farm, ay mga konkretong programang hindi lamang epektibo kundi nararapat tularan ng ibang LGU dahil sa direktang benepisyong naibibigay nito sa mga magsasaka at sa pagtataguyod ng sustenableng pagsasaka.
Mariing iginiit ni Mayor Lucilo R. Bayron na ang agrikultura ay hindi lamang suporta kundi pangunahing puhunan ng kaunlaran ng lungsod. Ayon sa alkalde, hangarin ng kanyang administrasyon na gawing matatag, makabago, at sustenable ang sektor ng agrikultura upang matiyak ang seguridad sa pagkain, matibay na kabuhayan ng mga magsasaka, at pangangalaga sa kalikasan.
Sa pamamagitan ng Puerto Princesa City Agriculture Office, sa pangunguna ni City Agriculturist Melissa Macasaet, patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang mga programang nakasentro sa teknolohiya, pagsasanay, at inobasyon, katuwang ang Department of Agriculture at iba pang ahensya.
Ang pagkilalang ito mula sa Department of Agriculture ay patunay na ang direksyong tinatahak ng Puerto Princesa sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron ay hindi lamang pinupuri kundi kinikilalang huwaran sa larangan ng sustenableng agrikultura.
: Gintong Butil Agri Farm
