CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment
Puerto Princesa, Feb. 12 CIO - Nagpahayag ng kasiyahan si Mayor Lucilo R. Bayron matapos isagawa ang personal na pag-inspection sa lugar na pagdarausan ng taunang “Love Affair With Nature” sa darating na Valentine’s Day, Pebrero 14.
Nasaksihan ng alkalde ang ibayong preparasyon ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni City Environment and Natural Resources Officer (ENRO) Tutu Almonte sa lugar rnamatatagpuan sa Purok Pag-asa, Barangay San Jose. Ito ay may sukat na humigit- kumulang sa 2 ektarya na tatamnan ng mangrove (bakawan) seedlings at Propagules na umaabot sa 10,000 piraso.
Tulad ng dati ay magiging tampok sa aktibidad ang pagpapakasal ng mayroong 100 pares nakaramihan ay nag-sasama na at may mga anak kahit wala pang basbas ng kasal. Ang simpleng seremonya ay pangangasiwaan ni Mayor Bayron.
Sinabi ng alkalde na ang napiling lugar ay sadyang naaangkop upang muling mapalusog ang natural habitat ng ilang yamang-dagat gaya ng alimango, hipon at iba pang kauri ng mga ito.
Naniniwala ang punong-lungsod na ang dating kagandahan ng mga pampang at dalampasigan sa mga baybayin ng siyudad ay manunumbalik sa dati sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan.
Kasabay nito ay minsan pang nanawagan si Mayor Bayron sa mga naninirahan sa coastal areas na maging mapagmatyag at isuplong sa kanyang tanggapan at iba pang mga otoridad ang patuloy na magtatangkang sumalaula sa mga biyang kaloob ng kalikasan.
Ang “Love Affair With Nature” ay aktibong nilalahukan ng iba’t–ibang sector ng pamayanan buhat sa hanay ng mga barangay, estudyante at kabataaan, academe, non-government organizations at mga samahang sibiko, mga kawani ng mga pamahalaang lokal, pati na ang mga namamasukan mula sa mga ahensiya ng gobyerno na nasa lungsod at lalawigan .
Featured Articles |
USAID/SURGE Project |