CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, May 27 CIO - Isinagawa  ang “program orientation” hinggil sa kalusugan ng mga kabataan  noong Mayo 26, 2015 sa Skylight Convention Center sa lungsod. Tinaguriang itong “WIND/S” o Water, Sanitation and Hygiene in Day Care Centers and Schools na ipinapatupad ng Pamahalaang Lungsod kaagapay ang UNICEF, Zuelleg Family Foundation, Department of Education, Early Child Care Council at ang City CSWD.  Dinaluhan ito ng mga opisyales mula 56 barangay, 148 day care teachers at kinatawan ng mga ahensiyang may kinalaman sa programa.

Ayon kay G. Ronnie Santos, UNICEF Program Officer  sa Puerto Princesa, layunin ng programa  na maturuan ng kasanayan sa paghuhugas ng kamay ang mga batang nasa day care centers.  Kaalinsabay din dito ang pagtuturo ng pagsisipilyo ng ngipin, pag-inom ng gamot kontra bulate at pagpuputol ng mga mahahabang kuko.  Sa mga paraang  ito, maiiwasan ang mga sakit na sanhi ng maduming kamay tulad ng pagtatae, bulate, bulok na ngipin  at iba pa.

Ang pondong itutustos sa pagpagawa ng “Washing Area”  sa mapipiling  65 day care centers sa 40 barangay ay mula sa Bottoms Up Budgeting o BUB ng Dept. of Social Work and Development, kung saan may 30% kabahagi ang lokal na pamahalaan.  P65,000  ang inilaang panggastos sa  bawat  washing area. Bayanihang  gagawin ng mga volunteers sa  barangay at  mga magulang ang pagtatayo ng lugar hugasan na papatnubayan naman ng kinatawan ng barangay, DSWD-Kalahi CIDSS at lokal na  pamahalaan.

Magbibigay naman  ng libreng “set ng toothbrush” ang UNICEF sa mga batang naka-enroll sa day care centers at sa mga paaralan pang-elementarya.

 “Technical assistance” naman ang kontribusyon mula  Zuelleg Family Foundation para sa City Health Office,  na isa rin sa mga pangunahing tagapagpatupad ng programa. 

Ang programang “Water, Sanitation and Hygiene In Day Care Centers and Schools o WINDS” ay alinsunod sa itinakdang gawaing pangkalusugan ni Mayor Lucilo R. Bayron. Isa ito sa kanyang mga programa na nakatuon para sa kahusayan ng mga bata sa siyudad.  Ang adhikain niyang ito ay nagbigay daan upang makilala at magawaran ang Puerto Princesa bilang isang awardee sa “Child-Friendly City” kamakailan.(amie h. bonales)

 

Article Type: 
Categories: