CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, July 23 CIO - Tinalakay ni Atty. Muhammad Kipli, spokesperson ng Peace Negotiating Panel ang ilan sa mga karaniwan ng tinatanong may kinalaman sa Bangsamoro Basic Law (BBL). Mahigpit nilang isinusulong na tulungan ang kanilang hanay na ipaliwanag ang mga ilang nilalaman ng BBL sanhi umano ng dumaraming maling pagkakaintindi ng mga Pilipino.

 

Ayon kay Kipli, bagamat kasama ang Lalawigan ng Palawan sa Tripoli Agreement, hindi umano ito nangangahulugan na makakasama ang Lalawigan sa BBL. Bukod sa kasama sa Tripoli Agreement, kailangan din umanong contigous ang Palawan sa hanay ng mga probinsyang nagnanais makasama sa BBL at kinakailangang mag-pop-in ito. Dalawa sa requirements dito ang wala sa Palawan. Bagamat malinaw na ipinaliwanag ni Kipli ang bagay na ito, tila hindi pa rin kumbinsido ang mga mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa at Palawan sapagkat hindi inilahad sa kanila ang kabuuan ng mga probisyon ng BBL. Idiniin naman ni Kipli na ito ay draft pa lamang at hindi pa pinal, bagay namang ikinababahala ng mga lumahok sa nasabing forum na posible may isingit na namang probisyon na labag sa kagustuhan ng mga resident ng Lungsod at Lalawigan.

 

Lalo pang nahintakutan ang mga dumalo ng aminin ni Atty. Kipli na ang ARMM ay isang "failure experiment" na posible ring mangyari sa BBL. Idiniin naman ni  Dr. Marieta Homo ng Holy Trinity University na mas makabubuti na i-apply na muna ang prinsipyo ng BBL sa ARMM kung talaga ngang failure ang implementasyon nito bago muling bumuo ng mga lugar na sasailalim sa BBL na isa na namang eksperimento. Sayang lamang umano ang panahon ng gobyerno at resources na gagamitin rito.

 

Ayon naman kay Commodore Armando Rodriguez Ph.D., sakaling magkaroon ng Plebisito, mas makabubuti umanong bomoto ang buong sambayanang Pilipino sapagkat sa mga buwis nila kukunin ang pondong ilalaan sa BBL na  nagkakahalaga ng milyong piso, awkward din umano ang pagkakaroon ng isang parliamentary system of government gayong isang Republika ang Pilipinas at  may Presidential Form of Government. Posible umanong maging dahilan ito na humirit muli ang mga sumusulong ng BBL na maging isa ng Republika sa mga hinaharap at tuluyan ng mahati-hati ng bansa, A nation (bangsa) within a State.

 

Tahasang tinuran naman ni Khalip Raymundo na hindi tugon ang BBL sa lumalalang  gulo sa Mindanao kundi ang maayos na pagpapatupad ng Sharia Courts of Law. Sa tagal na umano ng gulo sa Mindanao, nararapat na matuto na ang mga namamahala sa Pamahalaan at hindi ang pagsulong ng lalo pang pagbibigay ng rason sa dibisyon ng mga muslim tribes at mga kristiyano. Hiniling din ng mga nagsipagdalo na huwag ng isali ang Palawan sa BBL sapagkat tahimik at masaya ang lahat ng nananahan rito, sa halip maging isang rehiyon na lamang ang lalawigan ng Palawan upang mapabilis ang serbisyo sa mga mamamayan.(tess)

 

Article Type: 
Categories: