CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa, Feb. 12 CIO - Hinandugan ni City Mayor Lucilo R. Bayron ng simpleng agahan ang mga atletang bumubuo ng Puerto Princesa delegation sa katatapos na MIMAROPA Regional Athletic Association Meet na idinaos sa bayan ng Narra noong nakaraang linggo.

 

Sa kanilang pagbibigay-pugay sa tanggapan ng alkalde, ipinaabot ng mga kabataang manlalaro ang pasasalamat sa suportang ipinagkaloob ni Mayor Bayron at ng Pamahalaang Lungsod.

 

Kasabay nito ay inatasan ng alkalde ang mga kinauukulang tanggapan ng City Hall sa pakikipag-ugnayan sa city schools division na kaagad isaayos ang mga listahan ng mga atletang pagkakalooban ng cash incentives para sa mga karangalang nakamtan.

 

Batay sa isang ordinansa ng siyudad, ang mga gold medalists ay tatanggap ng P4,000 na insentibo sa bawat medalya samantalang P2,000 naman para sa mga silver medalists at P1,000 sa bronze medalists.

 

Bagama’t hindi pinalad ang city athletes na mapanatili sa kanilaang korona sa secondary level, pinapurihan sila ni Mayor Bayron sa kanilang ipinamalas na katatagan sa bawat larong nilahukan. Ang Palawan delegation ang tinanghal na kampeon sa elementary at secondary divisions at nanatili naman ang city delegation sa pangalawang puwesto.

 

Higit sa lahat ay pinuri ng alkalde ang mga manlalaro ng siyudad sa kanilang ipinakitang disiplina at teamwork sa mga nakatunggali sa iba’t ibang larangan ng palakasan.

 

Kasabay nito ay pinasalamatan din ni Mayor Bayron ang mga opisyal at guro ng City DepEd, sampu ng mga coaches at trainors at mga magulang sa kanilang pag-gabay sa mga atleta ng siyudad mula sa panahon ng kanilang pagsasanay hanggang sa aktuwal na kumpetisyon.

 

Mahigit sa kalahati ng delegasyon ng Mimaropa RAA sa Palarong Pambansa na gaganapin saTagum City, Davao del Norte sa Mayo ay manggagaling sa lungsod at lalawigan habang ang iba pa ay huhugutin sa hanay ng mga pangunahing atleta mula sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Marinduque at Calapan City.

 

Article Type: 
Categories: