Printer-friendly version

Puerto Princesa. June 1 CIO - Nilagdaan noong Mayo 25, 2016  ang kasunduan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa na kinatawan ni MAYOR LUCILO R. BAYRON at ng SITEL PHILIPPINES na kinatawan naman ni G. CHRIS REINES, Chief Operations Officer ng kompanya.

 

Napapaloob dito ang mga obligasyong  dapat tuparin ng dalawang partido.  Sa bahagi ng Pamahalaang Lungsod napapailalim ang pagbibigay ng “First Mover Incentives” sa Sitel Philippines,na naaayon sa mga ordinansa bilang 743 at 461, matapos ang paghahain at pagkakaaproba ng aplikasyon.  Kinakailangan din ang pag-iindorso ng lokal na gobyerno para sa PEZA accreditation at masiguro ang pagsunod ng Sitel sa nangingibabaw na mga batas sa empleyo at paggawa.  Dapat ding igawad ng pamahalaan ang iba pang insentibo na maaari pang ibigay at payagang mapahaba o marenew ang FMI status ng kompanya kung kinakailangan na naaayon sa mga proseso na itatakda ng Sangguniang Panlungsod.

 

Ang  Sitel Phils. Corp. ay may responsibilidad na magbigay ng minimum na sweldo sa lahat ng contract center associates na hindi bababa ng 30% sa itinakdang arawang suweldo ng Regional Tripartite Wage Regulatory Board para sa Puerto Princesa. Kailangan din makipagtulungan nito sa Puerto Princesa Information Technology & Communication Council upang makabalangkas at maipatupad ang implementasyon at pagsasagawa ng IT-BPM Voice Industry Manage Growth & Dev’t. Plan para sa lungsod.

 

Kabilang din ang pagpo-post ng cash bond ng SITEL na tatlong milyon piso (P3M) sa Pamahalaang Lungsod tatlong araw matapos ang pirmahan ng kasunduan. Dapat ding magkaroon ng 200 operating seats sa loob ng 12 buwan magmula sa pagkakapirma ng Memorandum of Agreement. Nakasaad din ang pagtanggap ng 250 empleyado sa loob ng 12 buwan, kung saan 100 dito ay dapat makuha na bilang manggagawa sa loob ng 90 araw.  Nakapaloob  din sa MOA ang mga parusa at butaw sa mga paglabag sa pagsasauli ng cash bond at iba pang mahahalagang bahagi ng isang kasunduan.

 

Ang Sitel Phils.  ay siyang una at nag-iisang aplikante ngayong taon para sa First Mover Incentive na inaprobahan ng PPICT council sa ilalim ng kapangyarihan ng kanilang resolusyon bilang 1 serye ng 2016.

 

Article Type: 
Categories: