CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

 

     Puerto Princesa, May 27 CIO -  Ganap na alas-nuwebe ng umaga ng magsimula ang matagal ng inaasahang groundbreaking sa pagsisimula ng concreting ng Bukang Liwayway to Makandring sa Barangay Langogan.  Maaga pa lamang ng nagsidatingan ang mga naging saksi sa seremonya sa pangunguna mismo ni Mayor Lucilo R. Bayron, mga konsehales ng siyudad, mga department heads, opisyales at mamamayan ng Barangay Langogan sa pangunguna ni Punong Barangay Camilo  T. Bebit.  Dumating din ang mga panauhin mula sa Regional Office ng Philippine Rural Development Project (PRDP), National Project Coordinating Office (NPCO) at Department of Agriculture (DA).

 

      Ang proyekto ay isang Farm to Market Road (FMR) na may habang walo (8) kms. Pinondohan ito ng humigit-kumulang P78-M at nakatakdang matapos sa loob ng 360 araw ayon sa BCT Trading & Construction na nangakong sisimulan kaagad ang proyekto.  Ang nasabing pondo ay hiram mula sa Worldbank sa pamamagitan ng PRDP na kung saan ang 10% na gastusin ay magmumula sa Dept. of Agriculture at 10% naman ay manggagaling sa City Government.  Marami ang nag-aakala na hindi na matutuloy ang proyektong ito sapagkat napakahirap ang pinag-daanang proseso ayon sa paliwanag ni Atty. Cipriano G. Santiago, CESO 111 MIMAROPA/Executive Director, Dept. of Agriculture.  Subalit dahil umano sa tiyaga ng City Government sa pamamagitan ng City Agri. Office sa pangunguna ni Ms. Melissa U. Macasaet, ay nagkaroon ng katuparan ang pangarap na ito.

 

      Napag-alaman din mula sa paliwanag ng mga panauhin na ito ang kauna-unahang FMR Project na ginawa dito sa Palawan at Puerto Princesa sa ilalim ng PRDP ng DA.  Kung kaya’t mahigpit ang tagubilin ni Mayor Lucilo R. Bayron na pahalagahan at bantayan ang proyektong ito.  Inatasan din niya ang City Engineering Office na magkaroon ng koordinasyon sa kontratista para masiguro na tama at maayos ang gagawin at ayon sa plano.

 

      Idinagdag pa ni Atty. Santiago na umaasa siya na maari pang dagdagan ang proyektong ito sa pamamagitan ng livelihood project. Aniya ang tunay na layunin ng PRDP ay hindi lamang ang magtayo ng kalsada para itawid ang mga produkto sa mercado kundi ang pagbibigay ng livelihood program at maging ang pagbibigay ng benepisyo sa mga indirect beneficiaries ng proyektong ito.(cio gadiano)

Article Type: 
Categories: