Printer-friendly version

Isang plake ng Sertipiko ng Rehistrasyon ang ibinigay ng Pamahalaang Lungsod sa kompanya ng Ai World na nagsasaad ng kanilang 100% exemption sa pagbayad ng mga buwis sa ari-ariang di natitinag at sa pagnenegosyo  para sa taong 2018.  Bunsod ito ng kanilang pamumuhunan ng mahigit sa P200M para sa pagpapatayo ng isang world class mountain resort sa Sitio San Carlos, Bgy. Bacungan.

Napagpasyahan ng Puerto Princesa Investment Promotions Board na pinangungunahan ni Mayor Luis M. Marcaida III na bigyan ng ganitong pribiliheyo ang AI World upang kilalanin at pasalamatan sila sa ibinabahagi nilang pag-unlad sa ekonomiya ng Puerto Princesa. Malaki ang naitutulong ng Ai World upang may pinagkaka-kitaan ng mga manggagawa mula sa Bgy. Bacungan.  Nagbigay din sila ng puhunan at kaalaman para sa mga magsasaka at mangingisda sa barangay upang may panimulang panustos sa pagtatanim at pangingisda. Ang kanilang produkto ay binibili upang magamit  sa pagluluto sa mga restaurant ng resort.

Apat na taon ang magiging exemption sa pagbabayad ng real property tax ng Ai World na hinati sa 3 bahagdan.  100% para sa taong 2018 at 2019, 75% sa 2020 at 50% sa taong 2021.  Ang ganitong pribiliheyo ay nasasaad sa ilalim ng Section 22 ng Puerto Princesa Investment Code of 2010 na pinagtibay ng Ordinansa Bilang 461 at inaprobahan noong Enero 7, 2011

Tinanggap ni Bb. Bong Romero, Operations Manager  ng Ai World ang plake mula kay Kgd. Henry Gadiano na kinatawan ng Alkalde, noong ika-26 ng Abril taong kasalukuyan.  Ipinahayag ni Bb. Romero ang taos pusong pasasalamat sa mga suportang  ibinibigay ng  lungsod para sa katuparan ng kanilang mga pang-kaunlarang balakin. 

Sinaksihan ang simpleng seremonya ng paggawad ng sertipiko ng mga tauhan ng resort, City Treasurer Corazon Abayari, City Planning Officer Jovenee Sagun, Acting Asst. City Assessor Mr. Clyde Caabay, Local Economic Investment Program Manager Lorraine Banzuelo at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Article Type: 
Categories: 

Navigation Menu