CLICK HERE! For Electronic Services and Online Payment

Printer-friendly version

Puerto Princesa Feb. 16 CIO - Libo-libo ang muling dumagsa upang lumahok sa taunang pagtatanim ng mga bakawan sa Barangay San Jose, Lungsod ng Puerto Princesa noong nakaraang Sabado, “Araw ng mga Puso”. Ayon sa mga nakatira sa Bgy. San Jose, lalo na iyong mga nakatira malapit sa planting area, ang kasalukuyang selebrasyon ng Love Affair with Nature ay siyang pinaka-marami ang dumalo sa loob ng labing-tatlong taong pagseselebra nito.

 

Pasado alas-kuwatro pa lamang ng umaga ay sunud-sunod nang nagdatingan ang iba’t-ibang grupo upang makapag tanim nang maaga bago pumasok sa kanilang mga gawain sa araw na iyon.

 

Ang okasyon ay pinangunahan ni City Mayor Lucilo R. Bayron kasama ang ilang mga opisyal at mga kawani ng pamahalaang lokal at mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may mga tanggapan sa siyudad, mga estudyante at mga guro, kinatawan ng mga samahang sibiko at sektor ng industriya at kalakalan sampu ng ilang mga pinuno at residente ng mga karatig barangay.

 

Bukod sa partisipasyon sa pagtatanim, ang mga elemento ng pulisya at military ang nangasiwa sa kaayusan sa lugar sa tulong ng mga barangay tanod.

 

Sa report na isinumite ni City ENRO Tutu Almonte kay Mayor Bayron, tinatayang humigit-kumulang sa 16,000 mangrove seedlings at propagules ang naitanim sa 2-ektaryang lawak ng dalampasigan sa Purok Pag-asa ng naturang barangay.

 

Tulad sa nakalipas na 12 taon, naging tampok ang pag-iisang dibdib ng 108 pares na nagsasama na ng mahigit sa 5 taon na walang basbas ng kasal. Ang simpleng seremonya ay pinangasiwaan ni Mayor Bayron.

 

Ang mga pinakamatanda sa mag-asawa ay sina Alejandro Sim, 62 anyos at Fe Macmac, 59-anyos na mayroon nang 29 na taong nagsasama. Ang mag-asawa ay nabiyayaan ng 6 na anak at 6 na apo.

 

Sa kanyang maigsing mensahe ng pasasalamat muling pinahalagahan ng alkalde ang masiglang partisipasyon at suporta ng mamamayan sa mga makabuluhang programa ng pamahalaang-lokal para sa mga susunod na henerasyon.

 

Article Type: 
Categories: